Mga Artikulo

Kapangyarihan sa Pagkamatay

MAY MGA SANDALI SA BUHAY na hindi kayang abutin ng mga salita ang lalim ng isang karanasan; kapag ang bigat ng isang katotohanan ay higit na nararamdaman kaysa maipahayag. Ito ang kapangyarihan sa pagkamatay–ang sikreto sa isang produktibo, makadiyos na buhay na kakaunti lamang ang nalalaman ng karamihan sa mga nag-aangking Kristiyano ngayon.

Ang kamatayan ni Jesu-Cristo ay hindi lamang isang pangyayari sa kasaysayan. Ito ay isang gawa ng banal na pag-ibig. Isang pag-ibig na napakalalim, hindi kayang unawain ng isip tao, at nabibigo ang wika ng tao na bigyan ng sapat na pagpapahayag. Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, tayo ay may pag-asa, kapatawaran, at isang bagong buhay–kapwa sa mundong ito at sa darating.

Ang Kanyang kamatayan ay hindi isang pasibong pagsuko, kundi isang aktibong pagsunod. Kahit sa Getsemani, habang Siya ay nananalangin ng, “Ama, kung maaari, alisin Mo sa Akin ang sarong ito,” ang huling mga salita ng Kanyang panalangin ay: “Gayunman, hindi ang Aking kalooban, kundi ang Iyong masunod.” Hindi ito kahinaan–ito ang sukdulang lakas.

Ang mga pinuno ng relihiyon noong Kanyang panahon ay natakot sa kapangyarihang maaaring sumunod sa Kanyang kamatayan, kaya’t naglagay sila ng mga sundalo sa Kanyang libingan. Oo, mga sundalong nagbabantay sa isang patay na katawan! Inakala nilang ang isang bato at isang tabak ay makapipigil sa Makapangyarihan. Ngunit walang kapangyarihang pantao–walang imperyo, walang armas, walang balangkas–ang makapipigil sa pagkabuhay na mag-uli. Nang bumaba ang anghel at yumanig ang lupa, ang kamatayan mismo ay nabasag.

Hindi lamang natalo ng Diyos ang kamatayan–lubusan Niya itong nilamon: “Lulunin niya ang kamatayan magpakailanman.” Isaias 25:8. Ang kamatayan ni Cristo ang naging simula ng isang bagong at maluwalhating panahon. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli, tayong mga patay dahil sa mga pagsuway at kasalanan ay itinataas sa gawa ng kaligtasan ng Diyos upang makaupong kasama Niya sa mga dakong makalangit.

Hayaan ninyong maging malinaw, ang kaligtasan, ang maluwalhating iglesia, at ang tunay na pagkakaisa ay hindi magiging posible kung hindi ibinigay ni Hesus ang Kanyang buhay.

Ang mismong kaisipan tungkol sa pisikal na kamatayan ay nabago na, sapagkat hindi na ito nagdadala ng parehong banta–ang nakapangingilabot na kaaway na nagwawakas sa lahat ng mabuti. Bagama't kaugnay ito ng kalungkutan at pagluluksa dito sa lupa, ang kamatayan ay naging batong tuntungan patungo sa mas dakilang kaluwalhatian–isang walang hanggan sa Diyos. Sabi nga, lahat ay gusto pumunta sa langit, ngunit hindi lahat ay handang mamatay para makarating doon.

Para sa Kristiyano, ang kamatayan ay isang paglipat, na humahantong sa kamangha-manghang katawang napabanal; isang katawang walang kamatayan at may kakayahang magtamasa ng mga kaluwalhatiang hindi natin mararanasan dito sa ibaba. Lahat ng mga problema, mga laban, at mga limitasyon ng pagkatao ay magpakailanman nang mawawala.

Isa itong pangunahing simulain sa Kristiyanismo na ang buhay ay sumisibol mula sa pagsuko, na ang lakas ay lumalabas mula sa pagkasira, na ang tagumpay ay ipinanganak sa waring pagkatalo, at ang pagkamamatay sa ating sarili ang sikreto sa isang buhay ng kapangyarihan.

Ito rin ay nagtatakda ng isang huwaran para sa atin. Dahil sa pag-ibig, dapat din tayong mamatay. Dapat nating sundin ang landas ni Cristo at marating ang katapusan ng ating sarili–ng ating sariling kalooban at daan. Kay Cristo, tayo ay may pribilehiyong maranasan ang isang buhay ng ganap na kagalakan, determinasyon, katapangan, at kalayaan na naghihintay sa kabilang panig. Ang pagkamamatay sa ating sarili ang sikreto.

Sa Juan 12, nagsalita si Hesus ng isang di-popular na katotohanan: “Malibang ang isang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay mananatiling nag-iisa: ngunit kung ito ay mamatay, ito ay magbubunga ng marami.” Ito ang banal na simulain na hinabi sa mismong paglikha. Ang buhay ay dumarating sa pamamagitan ng kamatayan. Ang isang uod ay hindi magiging paru-paro nang walang pagkalusaw sa dating anyo nito. Ang isang binhi ay hindi maaaring dumami nang hindi nalilibing.

Ngunit gaano kadalas natin tinatanggihan ang batas na ito? Ipinapangaral natin ang paglago, ang katapangan, at ang pagiging mabunga–ngunit umiiwas tayo sa kundisyon–ang pagkamatay sa sarili. Gusto natin ng pagbabangong-puri nang walang pagsuko, kapangyarihan nang walang pagkasira, ani nang walang pagtatanim, ngunit ang isang silid na puno ng mga butil ng trigo, gaano man kaganda at kahanga-hanga ang binhi, ay hindi kailanman magiging ani maliban kung ang bawat isa ay mahulog sa lupa at mamatay.

Ang kamatayang ito ay hindi metapora. Ito ay isang krisis–isang sandali ng lubos na pagtalikod kung saan ating itinatalaga ang kontrol. Tulad ni Pablo, dapat tayong marating ang lugar ng pagsasabing, “Ako'y ipinako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin” (Gal. 2:20). Ito ay hindi lamang pagpapabuti sa sarili, ito ay pagpapalit ng sarili.

Masyadong madalas, tayo ay lumalapit sa Diyos nang may mga kondisyon: “Paglilingkuran kita, ngunit sa aking mga termino. Susunod ako sa Iyo, ngunit sa loob ng aking komportableng lugar.” Gayunpaman, ang tunay na pagsuko ay ang pagbibigay ng mga susi–hindi may nakatagong agenda, kundi may radikal na tiwala. Ito ang katapusan ng ating mga plano, ng ating reputasyon, ng ating mga takot.

Isipin ang mga alagad bago ang Pentecostes. Nagtatago sila, naparalisa ng takot. Ngunit pagkatapos ng silid sa itaas–pagkatapos bumaba ang apoy–naging hindi mapipigilan sila. Bakit? Sapagkat sila ay namatay sa kanilang sarili at ang Diyos ang pumalit. Ang takot sa pangungutya, pag-uusig, maging sa pagkamartir ay wala nang kapangyarihan sa kanila. Si Cristo na ngayon ang nabubuhay sa pamamagitan nila.

Ito ang katapangan na ating hinahanap: hindi nagmumula sa loob, kundi isinilang sa pamamagitan ng isang ganap na pagsuko sa Diyos. Kapag tigil na nating paghawakan ang ating mga buhay, natutuklasan natin ang isang buhay na higit na dakila.

Ang gawaing ginawa ng mga kapatid na ito ay naging posible lamang dahil sila ay nagkaisa sa ilalim ng pamumuno ng mga malinaw na tinawag ng Diyos na manguna sa iglesia. Bawat makasariling dahilan para magsipanaw sa kanilang sariling landas ay hinugot mula sa kanilang mga puso. Naunawaan nila ang kanilang lugar sa panahon, ang kanilang responsibilidad. Tinuruan sila ng halimbawa ni Hesus na namatay para sa kanila (at ng paghimok ni Hesus na mamatay para sa isa't isa) at sila ay determinadong ibuwis ang kanilang buhay para sa mataas na pagkatawag na ito.

Ang Roma 12:1 ay nag-aanyaya ng nakagigitlang paanyaya: “Iharap ninyo ang inyong katawan bilang isang buhay na handog, banal, na kaaya-aya sa Diyos.” Kung paanong hinimok ni Apostol Pablo ang mga taga-Roma na iharap ang kanilang mga katawan, dapat din nating iharap ang ating sarili bilang isang buhay na handog sa Diyos sa ating kapanahunan.

Ito ang daan patungo sa kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli. Hindi lamang pagsisikap, hindi pagtutulong sa sarili, kundi pagsuko. Hindi mas mahigpit na paghawak, kundi pagbibitaw, o kung hindi, ang bawat isa ay potensyal na sarili niyang pinakamalaking kaaway. Kailangan natin ang mga kamay ng mga itinalaga ng Diyos na turuan tayong mamatay.

Ang dakilang gawain ng ating panahon? Magagawa lamang ito sa pamamagitan ng maka-bibliyang prinsipyong ito. Ang bawat isa ay gumagawa ng tila tama sa kanyang sariling mga mata ay hindi kailanman gumana.

Kung naramdaman mo ang bigat ng katotohanang ito, huwag tumalikod. Ang kamatayan ng sarili ay hindi ang wakas–ito ay isang magandang simula ng isang bagay na makapangyarihan. Tulad ng pangako ni Hesus, “Sapagkat ang sinumang magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.” Mateo 16:25.

Nawa’y magkaroon tayo ng katapangang mahulog sa lupa at mamatay–at matagpuan, sa wakas, ang buhay na tunay na higit na sagana. Ang mundo ay naghihintay nito!